MGA ESTUDYANTE SA SANTIAGO, ISABELA ILALAYO SA DROGA, TERORISMO
INILUNSAD ng Santiago City Police Office sa Isabela ang programang ‘Kabataan Kontra Iligal na Droga at Terorismo’.
Inanunsyo ni P/Col. Reynaldo Dela Cruz, City Director ng Santiago City Police Office, ang binuo nilang KKDAT sa mga paaralan at barangay para ituro sa mga kabataan kung papaano nila iiwasan ang droga at ang pagsanib sa terorismo.
Ayon kay Dela Cruz, sa mga nakaraang operasyon ng kanilang tanggapan ay kapansin-pansin na madalas sa kanilang madarakip ay mga kabataan o estudyante kaya patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng City Social Welfare and Development para sa psychological counseling ng mga kabataang mag-aaral na naaresto.
Isang pulong ang isinagawa, sa pangunguna ng SCPO, kasama ang mga punong barangay ng lungsod at ilang guro upang makiisa sa programa.
Batay sa tala ng SCPO, ngayong taon ay 20 kabataan ang nadakip sa kanilang nasasakupan dahil sa pagkakasangkot sa droga, pangunahin na ang paggamit ng marijuana.
Ang mga nadakip na kabataan ay kadalasang dinadala sa Balay Sagipan o Boys Town na matatagpuan sa Barangay Balintocatoc, Santiago City.