Region

MAY KAKAIBANG TEKNIK SA PAGTUTURO SI TITSER

/ 27 April 2021

PARA mas maengganyo pa ang kanyang mga estudyante na mag-aral nang mabuti, isang guro sa lalawigan ng Rizal ang may kakaibang teknik o estilo ng pagtuturo kung saan sinasanay niya ang mga bata sa pagguhit.

Ayon kay Teacher Julius Burdeos ng Mariano C. San Juan Elementary School, dahil sa nakakaaliw ang ganitong paaran ng pagtuturo ay mas nagiging interesado ang mga bata sa kanilang mga aralin.

“Ang strategy ko sa pagtuturo ay hangga’t nakakaya kong i-integrate ang arts sa iba’t ibang subject ay ini-integrate ko dahil pagka ang isang bagay ay may sining ito ay napakadaling mapansin. At ito ‘yung napakahalagang bagay sa pagtuturo na dapat makuha agad namin ‘yung atensiyon ng mga bata upang sa ganoon ay makinig sila sa aming pagtuturo,” sabi ni Teacher Julius.

Sinabi niya na bago siya magturo ay gumuguhit muna siya ng mga simpleng larawan mula sa mga hugis ng kamay mula sa iba’t ibang simpleng hugis at ito ay nire-relate niya sa kanilang pag-aaralan.

“May mga pagkakataon din naman na isinusulat ko ‘yung pamagat ng aming lesson at mula sa mga letters ng aming lessons ay dito ako gumuguhit ng mga larawan na related sa aming mga pinag-aaralan. At dito ko napansin na inaabangan nila ‘yung mga larawan na iguguhit ko mula sa mga letra,” kuwento pa ni Teacher Julius.

Ayon pa sa kanya, ang Dibisyon ng Rizal ay may isang proyekto na ang pamagat ay “Project Akap o Anak Kamusta Ang Pag-aaral” na naglalayong kumustahin ang mga bata at turuan na rin silang bumasa.

“Dito po ako kumukuha ng pagkakataon na turuan na rin silang gumuhit at habang gumuguhit sila ay kinakumusta ko sila. Ngunit sa pagkakataon po ngayon na medyo tumataas ‘yung cases ng Covid19, medyo itinigil muna namin ‘yung home visit para sa kaligtasan ng bawat isa,” dagdag pa niya.

Gaya ni Teacher Julius, ang mga guro ay patuloy sa paghahanap ng paraan upang mapagtibay ang paghasa sa kakayahan ng mga kabataan, pati ang pagdisenyo ng kanilang makulay na kinabukasan.