Region

MATH AT SCIENCE LESSONS LIBRE SA DOST MOBILE APP

/ 25 September 2020

KUNG titimbangin ang mga sabjek sa paaralan at pipili ng pinakamahirap ituro online at modular, tiyak na maraming sasang-ayon na ang mga ito ay Mathematics at Sciences.

Bukod sa nangangailangan ng board work ang Mathematics at laboratoryo naman ang Sciences, ang paggawa ng mga materyales pampagkatuto’y nagde-demand ng mas maraming oras at tutok para masigurong maiintindihan ito ng mga mag-aaral lalo na sa elementarya.

Halos dalawang linggo bago pormal na magsimula ang pampublikong klase sa Oktubre 5 ay nagkukumahog pa rin ang mga guro sa pagkumpleto ng math at science lessons.

Batid ng Department of Science and Technology CALABARZON ang hirap na pinagdaraanan ng mga guro, magkagayo’y sa pakikipagtulungan nila sa Department of Education, University of the Philippines National Institute for Science and Mathematics Education, at Philippine Normal University ay masigasig na binuno ang DOST Courseware.

Ang DOST Courseware ay isang free-to-use interactive educational software na naglalaman ng 413 lessons ng Grades 1-8 Math at Science.

Masusi itong inakda at nirebyu ng mga mahuhusay na propesor ng UP NISMED at PNU para matiyak na may  magagamit ang 2,582 math and science teachers ng CALABARZON.

Para kay DOST CALABARZON Director Alexander Madrigal, ang mga araling naririto ay madaling gamitin at paniguradong makatutulong sa mga mag-aaral sa pagkakaroon ng malalim na kaalaman sa mga numero’t konsepto ng agham mula sa kani-kaniyang tahanan.

Libre ang naturang aplikasyon. Mada-download ang DOST Courseware sa Google Play at AppStore. Maaari rin namang pumunta sa sei.dost.gov.ph para mabasa ang bersiyon nitong pang-Microsoft Office.