MADRASAH TEACHERS SINANAY SA E-LEARNING NG KILOS KABATAAN
BILANG pakikiisa sa patuloy na rehabilitasyon sa Marawi at sa pagpapatuloy ng edukasyong online ay sinikap ng Kilos Kabataan Livelihood Foundation na mahasa ang mga guro ng Madrasatu Mipaga Al-Islamia sa Barangay Mipaga tungkol sa mga kaalamang teknolohikal na kailangan sa panuluyang pagtuturo sa panahon ng Covid19.
Labintatlong guro ang nakiisa sa e-learning compact training ng KKLF kung saan tinalakay ang iba’t ibang modalidad ng pagtuturong online.
Gayundin ay hinasa silang gumamit ng mga tablet, laptop, at mga learning management system na makatutulong sa pag-agapay sa mga mag- aaral habang ipinagbabawal pa rin ang face-to-face classes.
Dagdag pa rito, isang online library na naglalaman ng mga materyal tungkol sa wikang Arabo, Edukasyon sa Pagpapakatao, at Araling Muslim ang binuksan para maging impukan-kuhanan ng kaalaman ng mga gurong Madrasah. Libre nila itong magagamit sa kanilang pagtuturo mula Grades 1-6.
Ilan sa mga materyal na naririto ay tungkol sa pag-aaral ng wikang Arabo – pasalita at pasulat, mga bidyong tumatalakay sa buhay ni Muhammad (Family of the Prophet Muhammad), Ablution (Wudu), at ang limang haligi ng relihiyong Islam (five pillars of Islam).
Ayon kay KKLF Chair Kristin Bangot, ang naturang compact training ang tugon ng kanilang pangkat sa pagpapatuloy ng kontekstwalisadong edukasyon sa mga batang Muslim. Pampuno rin ito sa kakulangan ng kasalukuyang sistema hinggil sa online at distance learning, partikular ngayong panahon ng pandemya.
Nais din ng KKLF na lahat ng batang Muslim ay makapagpatuloy sa pag-aaral sa gitna ng
unos at krisis na nararanasan ng bayan, lalo pa’t ilang taong makalipas ang giyera sa Marawi’y hindi pa tuluyang nakababangon ang komunidad.