‘LUMAH YAKAN’ SCHOOL OF LIVING TRADITIONS ITATAYO SA BASILAN
SINIMULAN na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan ang pagtatayo ng ‘Lumah Yakan’ School of Living Traditions upang patuloy na maingatan, mapagyaman, mapag-aralan, at maisabuhay ang lokal na sining, kultura, tradisyon, at paniniwala ng mga katutubong Yakan sa pamamagitan ng isang educational facility.
Ayon kay Basilan Governor Jim Salliman, ang proyektong ito ay labis na makatutulong sa mga Yakan sapagkat ang pag-aaral, para maiaplay at magamit sa araw-araw na pamumuhay, ay nararapat na itinuturong kontekstuwalisado at kultural.
Tatampukin din ng SLT ang pananahi ng telang Yakan Tennun na ibinebenta sa Maynila hanggang abroad.
Gayundin ay makahihila pa ito ng mga turista at maaari pang makatulong sa pag-angat ng ekonomikong kalagayan ng Basilan sa oras na maaari na itong buksan at ang Covid19 ay mapigilan na ng pamahalaan.
Naging posible ang SLT sa tulong ng pondong laan ng Bangsamoro Local Government Ministry matapos makamit nina Salliman ang 2019 Seal of Good Local Governance mula sa Department of the Interior and Local Government.
“We are thankful to the BARMM local government ministry for this and for its continuing support to all our programs focused on enhancing governance in this part of the Bangsamoro region,” pahayag ni Salliman.
Ayon sa National Commission for Culture and the Arts, ang SLT ay ang pangunahing learning hub kung saan ang living master o culture bearer o culture specialist ay magtuturo ng mga kasanayan at taktikang makapagpapayaman sa katutubong sining ng isang tiyak na grupo, partikular ng mga pambansang minorya.
Masugid itong itinataguyod ng NCCA sa buong Filipinas upang hindi mamatay ang wika’t kultura, sa halip, ito’y patuloy na mailangkap sa pag-aaral ng bawat henerasyong daraan.