Region

LUMAD TEACHERS TULOY ANG LABAN SA MATIWASAY NA PAGTUTURO SA MGA KATUTUBO

/ 26 March 2021

NANINDIGAN ang ilang guro na mga katutubo o mga nagtuturo sa Lumad Bakwit School na patuloy nilang ilalaban ang hangarin na bigyan ng edukasyon ang mga kabataang katutubo nang walang takot sa militar.

Batay sa anunsiyo ng Panaghuisa Philippine Network, sinabi ni Teacher Rose Hayahay na nais nilang hubaran ang anila’y mga paninikil sa kanila ng militar gayong nais lamang nilang tulungan ang mga kabataan na magkaroon ng kaalaman.

Bilang paggunita sa International Women’s Day, sumisigaw ng katarungan si Hayahay para sa 32 kababaihang guro ng Lumad Bakwit Schools, kasama na ang dalawang guro na sina Jolita Tolino at Teacher Roshelle Mae Porcadilla.

Si Porcadilla ay isa sa mga guro na inaresto sa Cebu City kung saan nagkaroon ng operasyon ang pulisya sa isang retreat house sa nasabing lungsod .

Giit ni Hayahay, panahon na para itigil ang brutal na pag-atake sa mga katutubong kababaihan at mga Lumad teacher.

Inilatag din ni Hayahay ang kaniyang nasaliksik na record, sa pagpapatupad ng Martial Law, 48 taon na ang nakalilipas, ay mayroon nang 700 documented attacks ang militar laban sa Lumad schools.

Sa kabuuang 215 Lumad schools, 178, aniya,  rito ay puwersahang ipinasara ng militar.

Gayunman, hindi, aniya, magiging dahilan ang mga pag-atake at pag-aresto sa kanila para hindi matuloy ang matiwasay na pagtuturo sa mga kabataang katutubo.