LOS BAÑOS MAYOR KILLING KINONDENA
NAGDADALAMHATI ang University of the Philippine Los Baños sa pagkamatay ni Mayor Caesar Perez noong Disyembre 3.
“Kinokondena ng komunidad ng UPLB ang pagpatay kagabi sa kagalang-galang na Mayor ng Los Baños, Caesar P. Perez,” pahayag ng UPLB sa Facebook noong Biyernes, Disyembre 4.
“Si Mayor Perez ay isang tapat na kasangga sa pagtataguyod ng mandato ng UPLB pagdating sa pagtuturo, pananaliksik, at serbisyo publiko. Katuwang siya ng UPLB sa pagpapatupad ng mga gawain at programa nito. Tumulong siyang mapanatiling ligtas ang kampus mula sa masasamang loob sa pamamagitan ng isang matibay na samahan sa pagitan ng UPLB at ng lokal na pamahalaan ng Los Baños at mga barangay na kinatatayuan ng UPLB,” dagdag pa nito.
Si Perez ay pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek habang siya’y nasa open lounge ng kaniyang tanggapan, gabi ng Huwebes.
Agad siyang dinala sa HealthServ Medical Center upang mabigyang-lunas subalit pumanaw agad ng alas-9:50 ng gabi.
Si Perez, bago naging mayor, ay nagsilbing vice governor ng lalawigan ng Laguna.
Nananawagan ang UPLB sa pulisya na agad imbestigahan ang naturang krimen. Gayundin ay nakikiusap silang ipagbigay-alam kaagad ng mga residente ang impormasyong nalalaman na maaaring makatulong para mapabilis ang pagkamit sa hustisya.
“Ang pagpatay sa [kaniya] ay pagdusta sa ating mataas na pagtingin at respeto sa karapatang pantao. Ang pagpatay na ito ay dapat agad na imbestigahan. Nananawagan kami sa mga awtoridad na siyasating mabuti ang mga bagay-bagay sa likod ng pagpatay na ito kay Mayor Perez at agarang ihain ang hustisya.”
Samantala, nagpahayag din ng pakikiramay si Laguna Governor Ramil Hernandez.
“Taos-pusong nakikiramay ang inyong lingkod, sampu ng aking pamilya, sa mga naiwang kapamilya at kababayan sa Los Baños ni Mayor Caesar P. Perez,” sabi niya sa isang Facebook post.
“Mariin kong kinokondena ang nangyaring pagpatay kay Mayor Perez at pinag- uutos ko ang masusing imbestigasyon ukol sa bagay na ito upang makamit ang nararapat na hustisya.”