Region

LIMITED FACE-TO-FACE CLASSES SA ZAMBOANGA PINAG-AARALAN NG DEPED

/ 15 November 2020

PINAG-AARALAN ng Department of Education Region 9 ang posibilidad na magkaroon na ng limitadong face-to-face classes sa rehiyon simula sa susunod na buwan.

Ayon sa pinakahuling ulat, inihain ni DepEd Regional Director Isabelita Borres sa Regional Social Development Committee ang proposal nito na unti-unting ibalik sa normal ang eskuwelahan ng mga bata.

“Mayroon  na po tayong proposal for limited face- to-face classes, nangangailangan na lang po kami ng final guidelines galing sa central office. Although, in Bayanihan to Heal As One Act, the final declaration po ay mangagaling sa Office of the President,” pahayag ni Borres.

Sinabi niya na mas tumaas ang lebel ng stress at anxiety ng mga mag-aaral simula nang sila’y sa loob lamang ng bahay nag-aaral at hindi ito mabuting indikasyon sa larangan ng edukasyon ngayong panahon ng pandemya.

Para ito’y masolusyonan ay nais niyang magsimula na ang face-to-face classes sa mga bayang wala nang aktibong kaso ng Covid19.

Kung ito’y isasakatuparan, 15 mag-aaral ang maaaring pumasok para makita ang kanilang guro, tatlong oras sa isang araw, isang beses kada linggo. Dito ipaliliwanag ng guro ang dapat gawin sa mga module, pagtuturo ng mga mahihirap na konsepto, gayundin ang kumustahan sa pisikal at mental na kalusugan ng mga bata.

Sa proposal ay nakasaad ang mga sumusunod na iskedyul:

Grades 1, 2, 3 – Lunes

Grades 4, 5, 6 – Martes

Grades 7, 8 – Miyerkoles

Grades 9, 10 – Huwebes

Grades 11, 12 – Biyernes

Pahinga – Sabado at Linggo

Ayon kay Borres, kung magkakaroon ng face-to-face classes,  ang suliranin sa internet connectivity, karagdagang gastos sa pagpapa-load, kakulangan sa akademikong tulong o gabay mula sa mga magulang, pati pagkakamali sa modules ay tiyak na mapupunan.

Dagdag pa rito, nakausap na ng opisina ni Borres ang mga mag-aaral at karamihan sa kanila’y nais nang magbalik-eskuwela.

“We have already talked this matter and the result of the survey came out that most of the learners want to go back to school.”

Wala pang tugon ang DepEd Central tungkol dito, lalo pa’t taliwas ito sa pahayag ni Pangulong Duterte na walang face-to-face classes hanggang wala pang bakunang susugpo sa Covid19.