Region

LIMITED F2F CLASSES TARGET NG OUR LADY OF FATIMA U-ANTIPOLO

/ 8 March 2021

SINABI ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City na nag-apply na sa Commission on Higher Education ang Our Lady of Fatima University–Antipolo Campus para sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes.

Kaya naman agad itong nagsagawa ng ocular inspection sa nasabing pamantasan para matiyak kung nasusunod ang health and safety protocols para sa kaligtasan ng mga guro at mag-aaral nito.

“Matapos nating mabalitaan na isa ang OLFU sa mga university na nag-apply sa CHED para makapagsagawa ng limited face-to-face classes, agad tayong nag-ocular inspection sa Our Lady of Fatima University–Antipolo Campus,” sabi ni Antipolo Mayor Andrea Ynares sa kanyang Facebook post.

Target ng OLFU na magbukas ng ilang klase para sa mga graduating student ng mga kursong Nursing, Physical Therapy at Medical Technology na kasama sa mga pinahintulutan ng Inter-Agency Task Force.

“Habang hinihintay natin ang bakuna for every Juan, patuloy nating sinisiguro na nasusunod ang minimum health standards para ligtas ang pag-aaral ng mga estudyante,” sabi ni Ynares.

Samantala, pumalo na sa 4,579 ang kumpirmadong kaso ng Covid19 sa lungsod, kung saan nasa 128  ang naitalang nasawi at 4,335 ang mga gumaling. Nasa 116 naman ang active cases na kasalukuyang nagpapagaling at naka-quarantine.