LIMITADONG F2F CLASSES APRUB NA SA CAR
INANUNSIYO ng Commission on Higher Education Cordillera Administrative Region na magsisimula na ang limited face-to-face classes ng medical at allied health courses sa susunod na akademikong taon.
Ang pahayag ay ginawa ni CHED CAR Director Danilo Bose sa pulong ng Provincial Inter-Agency Task Force on Covid19 noong Pebrero 5.
Ayon kay Bose, limang programa ang maaaring magsagawa ng limitadong face-to-face classes — Medical Technology, Medicine, Midwifery, Nursing, at Physical Therapy.
“For the other programs, we still have to wait. Priority are the medical and allied health programs as we all know these are the programs we really need during these times,” paliwanag ng direktor.
Samantala, kahit na aprubado na ng CHED ay hindi pa rin nito minamandatong bumalik ang lahat ng paaralan sa face-to-face classes. Ang mga pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad ay kailangan pa ring mag-aplay ng clearance sa Komisyon.
Kailangan muna nilang kumpletuhin ang checklist ng Komisyon saka iinspeksiyunin bago muling buksan sa mga mag-aaral.