Region

LIBRENG WIFI SA BRGY BALAYA SA PANGASINAN PARA SA BALIK- ESKUWELA

/ 19 September 2020

LIMANG WiFi modems ang ipagkakaloob ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. Balaya, San Carlos, Pangasinan bilang tulong sa mga mag-aaral na magsisipagbalik-eskuwela sa darating na Oktubre 5.

Ayon kay SK Chairman Alexander Doria, minabuti nilang isagawa ang proyektong ito dahil may mahigpit na pangangailangan sa internet ngayon sa harap ng kautusan ng Department of Education na nagbabawal sa face-to-face classes sa basic education. Sa halip ay blended learning lamang ang modalidad na maaaring utilisahin ng mga pampublikong paaralan sa bagong taong pampanuruan.

Sinabi ni Doria na ang mga malalayong barangay ng bayan ay halos hindi naaabot ng disenteng signal.

Idinagdag pa niya na nanawagan na sila sa telecommunication companies hinggil sa problemang ito at umaasang matutugunan ito bago ang pagbubukas ng klase.

Ang limang libreng WiFi hotspots ay ilalagay sa mga lugar na madalas puntahan ng mga residente –- barangay hall at waiting sheds.

Nasa 5 Mbps ang minimum na bilis na dadalhin ng bawat WiFi modem, na disente na para sa pagsasagawa ng mga piling gawaing pampaaralan, pananaliksik, at pagdalo sa mga online class kung kinakailangan.