Region

LIBRENG TUTORIAL, INTERNET SERVICE SA LAOAG CITY LIBRARY

/ 29 October 2020

KASABAY ng pagbubukas ng klase noong Oktubre 5 at ng pagtatapos ng pamamahagi ng mga self-learning module ay inilunsad ng Laoag City Library ang libreng tutorial services at internet connection sa mga mag-aaral na nagnanais makakuha ng naturang serbisyo.

Kasalukuyang nakapuwesto sa ikalawang palapag ng ABC Building, ang city library ay bukas para sa sinumang mag-aaral, lalo iyong mga nananaliksik, basta’t may dalang validated school identification card o registration form at sumusunod sa mga protokol-pangkalusugang minamandato ng Inter-Agency Task Force at Department of Health.

Ayon kay Laoag Librarian Madonna Reyes, ang tutorial service ay hatid ng mga boluntaryong bihasa sa magkakaibang larangan gaya ng Matematika, Agham, Ingles, Filipino, Sining, at iba pa.

Maaaring ipakita ng mag-aaral sa kaniyang assigned tutor kung aling mga bahagi ng module ang hindi niya lubos na maintindihan para dito maipokus ang pag-aaral.

“We let them answer first and when they need assistance or they want to ask us to teach team, that’s the time when we teach them,” wika ni Reyes.

Para naman masigurong ligtas sa Covid19 ang aklatan, ang mga magulang ang siyang dapat na magpamalas ng pagnanais na papuntahin ang kanilang mga anak upang matuto nang higit pa sa mga module na bigay ng Department of Education.

Kapag tapos na nilang ilista ang pangalan ay kokontakin sila kaagad ng opisina upang ipadala ang kumpirmadong reservation.

“For social distancing purposes, kailangan muna kaming i-contact. Magpa-appointment muna dahil limang estudyante lang ang capacity dito sa loob.”

Sa ganitong gawi ay makokontrol nila ang pagdagsa ng mga bisita. Makakalkula pa nila kung sapat o kailangan pang dagdagan ang mga tutor, gayundin ay kung mayroon pang espasyo para akomodahin ang iba pang mga mag-aaral.