LIBRENG TABLETS PARA SA GOV. ALFONSO TAN COLLEGE SA TANGUB, MISAMIS ORIENTAL
UPANG matulungan ang mga mag-aaral at mga guro sa online classes, higit sa 4,000 learning tablets ang ipinamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Tangub, Misamis Oriental sa Governor Alfonso D. Tan College noong Oktubre 30.
Ayon kay Tangub Mayor Jennifer Wee Tan, higit P15 milyon ang inilaan nila para sa Oplan Balik Eskuwela ng GADTC. Sasaklawin nito ang lahat ng pangangailangan ng mga mag-aaral, guro, pinuno ng mga akademikong departamento, at kawani ng academic support ng kolehiyo.
“The project is part of the city’s augmentation efforts to the education sector, which is addressing concerns amid the shift to distance learning,” sabi ni Tan.
Gayunpaman, dahil sa limitadong pondo, tanging mga mag-aaral sa una hanggang ikatlong taon lamang na enrolled ng 15 units pataas ang makatatanggap ng libreng gadget at load.
Ang mga nasa ikaapat na taon o graduating status ngayong akademikong taon 2020- 2021 ay may opsiyon na kumuha ng gadget sa halagang P1,000.
Samantala, upang masigurong pampag-aaral lamang ang gamit ng mga tablet, ang pangalan ng bawat estudyante’y irerehistro sa programa upang mga relebanteng aplikasyon lamang ang magagamit nila rito.
Ang mga entertainment application ay hindi mapupuntahan. May awtomatikong blocking program na rin ang tablet para hindi mabuksan ang porn, gambling, at iba pang makasasama sa pag-aaral.
Microsoft Education ang partner learning management system ng Tangub. Ang Huawei naman ang nanalo sa public bidding kaya units nila ang ipinamahagi sa GADTC.