LIBRENG MOBILE PHONES SA SPED LEARNERS SA BATAAN
NAMIGAY ng mobile phones ang sikat na fashion designer na si Rey Michael Leyva sa mga Special Education learner sa Balanga City, Bataan.
Kasama sa Basic Education-Learning Continuity Plan ng Department of Education ang masigurong tuloy rin ang pagkatuto ng mga SPED learner. Kaya naman puno ng pasasalamat ang mensahe ng kanyang dating guro na si Marlyn Gerio. Hindi umano nito inakala na ang simpleng mensahe na ipinadala niya kay Leyva ang magiging susi sa malaking biyaya para sa mga SPED learner.
“In this time of crisis, it is queer to find a soul that truly gives. Thank you for considering their needs,” sabi ni Gerio.
Si Leyva ay isa sa mga maituturing na dalubhasa sa larangan ng Fashion Design. Base sa artikulo ng Stargate People Asia, pangarap ni Michael ang maging flight attendant at ang kanyang Kuya Brian ang nasa larangan ng Fashion Design noon. Sa kasamaang-palad, maagang nabawian ng buhay si Brian kaya si Michael ang nagtuloy sa mga natirang proyekto ng namayapang kapatid. Naging inspirasyon niya ang kanyang kuya upang mag-aral ng Fashion Design sa London.
Ang mga gadget ay malaking tulong upang matuto ang mga mag-aaral at magabayan pa rin sila ng kanilang mga guro kahit nasa bahay lamang.
Patuloy rin ang pagsisikap ng DepEd, katuwang ang pribadong sektor, upang masiguro na tuloy ang pagkatuto ng mga bata sa gitna ng pandemya.