LIBRENG GUPIT SA TITSER NA BARBERO SA ABRA
ISANG guro sa probinsya ng Abra ang libreng nanggugupit sa kanyang mga estudyanteng lalaki.
Isinasabay ni teacher Lorenzo Marquez ng Pacoc Elementary School sa bayan ng Lacub ang panggugupit sa kanyang male learners sa iskedyul ng kanyang home visitation.
Ayon kay Lorenzo, bahagi na rin ito ng kanyang pagbibigay serbisyo sa loob ng apat na taon.
Kuwento niya, hindi lamang learners ang ginugupitan niya nang libre mula nang siya’y madestino sa naturang paaralan.
At ngayong walang face-to-face classes, sinisiguro pa rin niyang maipagpatuloy ang ganitong serbisyo bukod sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga bata.
Nais magbigay ni Lorenzo ng inspirasyon sa mga learner na magsumikap at makapagtapos kaya tinatiyaga niya ang pagbisita sa mga ito. Bonus na lang din ang paggugupit bilang paraan upang “maipadama ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga estudyante.”
Dagdag niya, “Nakagagaan ng pakiramdam na masilayan ang kanilang ngiti kapag bagong gupit.”
Sa pagbisita ni Lorenzo sa mga learner, nakakausap rin niya ang mga magulang ng mga ito. Aminado man ang mga ito na mas komportable sila sa face-to-face set-up, saludo pa rin ang guro sa mga ito dahil “naiintindihan nila ang sitwasyon at bukas silang palakasin ang ugnayan sa mga guro para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.”