Region

LIBRENG COVID19 TEST SA MGA GURO SA ANTIPOLO

/ 2 October 2020

NAG-AALOK ng libreng Covid19 testing ang lokal na pamahalaan ng Antipolo, Rizal  sa lahat ng public at private school teachers sa lungsod, apat na araw bago ang pagdiriwang ng World Teacher’s Day at pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.

Ayon kay Antipolo Mayor Andrea Ynares, lahat ng mga guro sa lungsod ay puwedeng magpa-rapid testing at ‘yung mga magpopositibo ay isasailalim naman sa swab testing.

Sinimulan kahapon,  Oktubre 1, ang clustered testing sa unang batch ng mga guro mula San Isidro Elementary School (test venue), Antipolo City SPED Center, San Isidro National High School at San Jose National High School.

“Sa lahat po ng ating mga guro mula public at private schools, simula October 1 ay iikot po ang aming mga doctors at med techs sa mga paaralan para mag sagawa ng Covid19 testing para masiguro na kayo po ay ligtas bago magsimula ang pasukan,” ang sabi ni Ynares sa kanyang post sa Facebook.

“Wala ngang face-to-face interaction with students pero alam namin na kayo bilang mga guro ay tuloy ang pagpasok sa eskwela,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi rin niya na antabayanan na lamang ang mga susunod na schedule para sa mga iba pang paaralan.

Sa ngayon, umabot na sa 2,429 ang confirmed Covid19 cases sa lungsod, habang 77 naman ang mga namatay sa naturang sakit at 2,098 ang mga nakarekober.