Region

LIBRENG CELLPHONE SA MGA GURO SA GENSAN

/ 23 October 2020

MAKATATANGGAP ang mga guro ng Department of Education General Santos Division sa South Cotabato ng bagong cellphone upang mas masubaybayan nila ang pag-aaral ng kanilang mga estudyante.

Kasama rin dito ang load na may unlimited call at text upang mas mapabilis ang komunikasyon ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral, mga magulang at kapwa guro.

Ayon kay School Division Superintendent Romelito Flores, nadala na ang mga cellphone sa mga lokal na pamahalaan at maaari nang ipamahagi pagkatapos maayos ang mga papeles para rito.

Nauna nang naglaan ang Local School Board ng P700 monthly communication allowance para sa mga guro.

Sinabi ni General Santos City Mayor Ronnel Rivera na bahagi ito ng mahigit P155 milyong pondo na inilaan ng LGU-GenSan para sa pagpapatupad ng Division Learning Continuity Plan.

Patuloy naman ang proyekto ng lokal na pamahalaan at DepEd upang mas mapaigi pa ang edukasyon ngayong akademikong taon kung saan ipinatutupad ang distance learning dahil sa patuloy na banta ng Covid19.