LAPTOPS PA SA MGA GURO IPINAMAHAGI NG BACOOR CITY GOV’T
IPINAMAHAGI ng lokal na pamahalaan ng Bacoor, Cavite ang ikalawang batch ng laptops sa mga guro na kanilang gagamitin sa distance learning.
Pinangunahan ito ni Mayor Lani Mercado Revilla at ng Schools Division Office sa pamumuno nina Superintendent Editha Atendido at Assistant Schools Division Superintendent Dr. Lerma Flandez.
Nasa 2,846 ang kabuuang naipamigay na laptop sa mga guro, kasama ang ilang accessories na gagamitin para sa kanilang pagtuturo.
Nauna nang mabigyan ng laptop ang ilang guro sa pagsisimula pa lamang ng School Year 2020-2021.
Ilang estudyante naman sa pampublikong paaralan ng Bacoor ang binigyan ng tablet na kanilang ginagamit sa online learning.
Patuloy ang pagtugon ng Department of Education Bacoor at ng lokal na pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga estudyante at guro sa new normal education.