LALAKING MAGHAHATID NG MODULE, 3 MENOR DE EDAD NALUNOD SA LAGUNA
BANGKAY na nang matagpuan ang isang 22-anyos na lalaki na maghahatid sana ng sinagutang module, kasama ang tatlong menor de edad na pinsan, matapos silang malunod sa ilog sa Biñan, Laguna noong Nobyembre 24.
Sa imbestigasyon ni Binan Police Chief Lieutenant Vanni Martinez, isinama ni Mark Atienza ang mga pinsan niyang sina Angel Incomio, 15; Mary Incomio, 13; at Jasmin Baguio, 6, upang makapaglakad-lakad habang patungo sa paaralang pagpapasahan ng sinagutang module.
Subalit matapos ang ilang oras ay hindi na bumalik ang grupo. Nang hanapin sila ng pamilya at awtoridad ay malalamig na silang bangkay, palutang-lutang sa ilog ng Binan.
Ayon kay Martinez, mayroon pang nakakita kay Jasmin na sakay ng casing ng sirang prigider na tila ginawang timbulan para makaahon sa malalim na bahang dulot ng nagdaang bagyo.
Posible umanong lumakas ang agos ng baha patungong lawa ng Laguna at tinangay si Jasmin habang nagtatangkang sagipin ang kanyang mga kasama.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Binan na sasagutin ang lahat ng gastos sa pagpapalibing sa mga biktima.