Region

LAGUNA STATE U, THE POST SANIB-PUWERSA SA LECTURE SERIES

/ 19 January 2021

MAGKATIPAN ang Laguna State Polytechnic University at ang The Philippine Online Student Tambayan sa paghahatid ng serye ng mga lekturang makaaagapay sa tuluyang pag-aaral ng mga estudyante’t guro ngayong panahon ng distance learning modality.

Ito ay kinumpira ng LSPU College of Teacher Education Extension Services noong Enero 16 matapos ang paglagda sa memorandum of understanding na ginanap sa LSPU Los Banos Campus.

Dinaluhan ito nina LSPU CTE Head Glen Cortezano, The POST Executive Director Prof. Eros Atalia, The POST Executive Consultant for Operations Atty. Karen Briones at PHmediaportal, Inc. President  Minaluz Satorre.

Ang unang tagpo ng lecture series ay iikot sa mga pangunahing usapin ng peryodikong pangkampus, tampok ang batikang manunulat na si Atalia at si The POST Resident Lawyer, Atty. Renfred Tan.

Gaganapin ito sa Enero 29-30 via Zoom at Facebook Live.

Kilala si Atalia na may-akda ng walong aklat ng nobela, maikling kuwento, dagli, at sanaysay. Nagwagi sa National Book Awards, Best Book in Filipino Novel ng National Book Development Board, ang nobela niyang “Ang Ikatlong Anti Kristo”.

Naisapelikula na sa Cinemalaya at na- adap bilang musicale ang kaniyang aklat na “Ligo na U, Lapit na Me” at naitanghal na rin sa 8th Cinemalaya ang kanyang kuwentong “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino”.

Isasapelikula ng Viva Entertainment ang dalawa niyang nobela, kung saan si Atalia rin ang nagsulat ng iskrip. Kasalukuyan din siyang nagtuturo ng Creative Writing, Literature, at Screenwriting sa De La Salle University Manila.

Samantala, si Tan naman ay abogado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation. Naging Associate din siya sa Palafox Patriarca Romero & Mendoza Law firm at dito niya nakuha ang karanasan sa general litigation practice.

Nagtapos siya ng Bachelor of Laws sa San Beda University at ng BA Sociology sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Libre at bukas para sa lahat ang lecture series. Kung nais magpatala at makapasok sa Zoom discussion, mangyaring magpadala ng mensahe sa Extension and Training Services College of Teacher Education LSPU LBC Facebook page.