‘KUSINA NG KALINGA’ VS MALNUTRISYON INILUNSAD SA IMUS
INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Imus, Cavite ang ‘Kusina ng Kalinga’ para tugunan ang hamon ng malnutrisyon sa mga batang mag-aaral na may edad 3-12.
Ang ‘Kusina ng Kalinga’ ay isang feeding program na tatagal ng 30 araw. Ito ay maghahatid ng libreng masusustansiyang pagkain sa mga batang mag-aaral sa lahat ng barangay ng Imus.
Hatid ito nina Mayor Emmanuel Maliksi, Vice Mayor Ony Cantumbuhan, at ng Gawad Kalinga.
Ayon kay Maliksi, target ng programa na makapagpakain ng 1,000 bata mula sa 38 barangay. Sinimulan na kaagad nila ito noong Enero 11 sa pamamagitan ng pagbibigay ng tanghalian, Lunes hanggang Biyernes.
Ang ‘Kusina ng Kalinga’ ang panlaban ng pamahalaan para mawaksi na ang malnutrisyon sa bayan. Naniniwala siyang para magkaroon ng magandang kinabukasan ang bata, dapat ay simulan ito sa pagbibigay ng pagkaing may kompletong bitamina at nutrisyon.
“Nakita natin ‘pag stunted ang growth ng mga bata, ang laki ng epekto sa development nila, ‘pag malnourished ang bata, nahihirapan din sa pag-aaral.
“Hindi lang basta pagkain, dapat nutritious na pagkain na magsusustina sa kanilang pangangailangang pisikal,” paliwanag ni Maliksi sa isang panayam.
Kaakibat ng feeding program ang capacity-building activities at seminar sa mga magulang hinggil sa paghahanda ng simple pero masustansiyang pagkain para sa kanilang mga anak at buong pamilya.