KONSULTASYON SA MGA BATANG MAY SPECIAL NEEDS SAGOT NG CAINTA LGU
SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Cainta sa lalawigan ng Rizal ang pagpapadala sa mga batang may special needs para ipasuri sa isang ospital sa Metro Manila.
Ayon sa dating alkalde at ngayo’y administrador ng Cainta na si Kit Nieto, sagot ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ng kanyang may bahay at ngayo’y alkalde ng nasabing bayan na si Atty. Elen Nieto, ang consultation at assessment sa mga batang may special needs na residente ng kanilang bayan.
“Mga ilang linggo na ang nakararaan, nagsimula na tayong magpadala ng mga children with special needs sa Medical City para sa kanilang clinical assessment,” ani Nieto.
“One Cainta ang nagbabayad ng konsultasyon nila. May kamahalan, pero trabaho pa rin natin ito,” dagdag pa ng dating alkalde.
Mahaba, aniya, ang listahan ng mga gustong magpakonsulta kaya lang ay 10 lamang kada buwan ang kayang i-accommodate ng nasabing ospital.
“Nakiusap ako na dagdagan sana. Kahit gawing 20 bata kada buwan. Ayun, pumayag naman,” ani Nieto.
Ayon pa sa dating alkalde, nagsagawa na rin ng preliminary interview ang mga estudyante ng Ateneo School of Medicine and Public Health sa mga bata para malaman ang medical history at ilang relevant information bago ang consultation at assessment.
Pinasalamatan din niya ang kanilang Persons With Disability Affairs Office head na si Virgie Montilla na siyang punong-abala sa pagpapadali ng programang ito.
“Dito sa One Cainta, walang maiiwan,” aniya.