KLASE SA VISAYAS AT BICOL SUSPENDIDO DAHIL SA BAGYONG JOLINA
Suspendido ang klase sa ilang bahagi ng Visayas at Bicol region ngayong araw dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyong Jolina.
Walang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadon paaralan sa Eastern Samar, Northern Samar, Tacloban City at Albay.
Ang bagyong Jolina ay nag-land fall sa Hernani, Eastern Samar, alas-10 ng gabi, Setyembre 6.
Dahil sa malakas na pag- ulan ay nawalan ng supply ng koryente sa lalawigan.
Bukod sa pasok sa eskuwela ay kinansela rin ni Easten Samar Governor Ben Evardone ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan, gayundin ang pagtungo ng mga guro sa paaralan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Setyembre 13.
Samantala, sa Executive Order 204 na ipinalabas ni Ormoc City Mayor Richard Gomez ay kanselado rin ang pasok sa trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa lalawigan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, tanging ang trabaho ng mga security, medical at emergency response personnel ang magpapatuloy.
Habang ipinaubaya na ng alkalde sa pribadong sektor ang pasiya kung papapasuking ang kanilang mga empleyado.
Base sa weather bulletin na inilabas ng PAGASA alas-8 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyo sa coastal waters ng Almagro, Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kph.