KLASE SA SARANGANI, DAVAO OCCIDENTAL SUSPENDIDO DAHIL SA MAGNITUDE 6.7 QUAKE
SINUSPINDE kahapon, Enero 9, ang klase sa mga paaralan sa Sarangani at Davao Occidental kasunod ng magnitude 6.7 na lindol.
Sa abiso ng Department of Education-Division Office of Samal, wala munang pasok ang mga estudyante sa pre-school hanggang senior high school sa nasabing lugar.
Habang nagpalabas din ng kautusan ang mga alkalde sa iba’t ibang lungsod at munipalidad sa Davao Occidental at sa Sarangani ng pagsuspinde sa klase sa kanilang nasasakupan.
Sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, tumama ang magnitude 6.7 na lindol alas-4:48 ng madaling araw na unang sinukat na 7.1 magnitude kung saan natunton ang epicenter nito sa Balut, Sarangani.
Sa kautusan ng mga local government unit, sakop ng class suspension ang lahat ng antas ng klase, pampubliko at pampribadong paaralan.
Layunin nito na maiiwas sa disgrasya ang mga mag-aaral, guro at iba pang school personnel dahil sa inaasahang aftershocks.
Habang pinag-report ang mga school principal at kanilang safety officers para tumulong sa city engineering office sa assessment sa mga paaralan.
Sinimulan na rin ng bawat Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng mga LGU ang assessment sa pagyanig.