KLASE SA OCCIDENTAL MINDORO SINUSPINDE DAHIL SA KAWALAN NG SUPLAY NG KORYENTE
INANUNSIYO ng pamahalaang panlalawigan ng Occidental Mindoro ang pagsuspinde sa klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado, mula Abril 3 hanggang 5 dahil sa kawalan ng suplay ng koryente.
Ayon sa Executive Order No. 20, ang tuloy-tuloy na pagkawala ng koryente sa lalawigan, na tumatagal mula 16 hanggang 20 oras, ay may negatibong epekto sa pag-aaral ng mga estudyante at mga kondisyon sa pagtatrabaho sa lahat ng mga paaralan.
Sinabi rin ni Gobernador Eduardo Gadiano na ang pagsususpinde sa mga klase ay sumasaklaw sa mga teaching at non-teaching personnel.
“Nonetheless, teaching personnel are encouraged to provide continuous delivery of basic education through asynchronous learning,” nakasaad pa sa EO.
Hindi saklaw ng suspension ang mga paaralan sa mga islang bayan ng Looc at Lubang, na may iba’t ibang suplayer ng koryente.