KLASE SA MARINDUQUE SUSPENDIDO PARA SA REPAIR NG MGA PINSALANG INIWAN NG BAGYONG QUINTA
PARA masigurong lahat ng pinsalang natamo ng lalawigan ng Marinduque ay makukumpuni at maibabalik sa dati nitong estado, minabuti ni Governor Presby Velasco na kanselahin muna ang mga klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang pasok sa trabaho, simula ngayong araw, Oktubre 28.
“Para patuloy na mapangalagaan at maprotektahan ang ating probinsya lalo na po ang kaligtasan ng bawat isa laban sa patuloy na sama ng panahon o bagyong muling tatama sa atin. Sa pananagutan na ipinataw sa akin sa ilalim ng Executive Order No. 66, minabuti ko po na kansalehin muna ang trabaho at klase simula bukas, Oktubre 28, sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong probinsya ng Marinduque,” nakasaad sa Facebook post ni Velasco.
Nakaiskedyul bukas ang pagsasaayos ng mga pasilidad at istraktura sa mga paaralan na tinamaan ng bagyong Quinta.
Kasabay rin nito ang paghahanda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa inaasahang paparating na bagyo bukas, Oktubre 29.
“I hereby declare the suspension of classes and work in all public and private schools in Marinduque effective the 28th day of October, 2020 in view of the need to introduce repairs to damaged school structures and facilities caused by Typhoon Quinta and also to prepare for the next storm that is forecasted to hit the province on the 29th day of October, 2020,” nakasaad sa memorandum at anunsiyo.
Pinasalamatan naman si Velasco ng mga mag-aaral at mga magulang sapagkat malaking tulong ito sa kanilang muling pag-ahon lalo’t ngayon pa lamang bumabalik ang suplay ng koryente at internet sa ibang mga bahagi ng Marinduque.
Noong Oktubre 26 ay apat na beses na nag-landfall ang bagyong Quinta sa Filipinas, partikular sa rehiyon ng Bikol at MIMAROPA. Itinaas sa Marinduque ang Storm Signal No. 3 at malaki ang naging epekto nito sa probinsya, lalo sa mga mag-aaral na nag-o-online class.