KLASE SA ILANG LUGAR SA MINDANAO, VISAYAS SINUSPINDE DAHIL KAY ‘KABAYAN’
NAGPATUPAD ng class at work suspension ang ilang local government unit sa Visayas at Mindanao dahil sa pananalasa ng Bagyong Kabayan.
Una nang lumakas ang bagyo na sumampa sa Tropical Storm noong Linggo ng gabi subalit kahapon ng umaga ay ibinaba sa Tropical Depression makaraang mag-landfall sa Brgy. Concepcion, Manay, Davao Oriental.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, bumaba na rin sa signal number 1 ang babala ng bagyo sa mga apektadong lugar.
Inanunsiyo ng mga LGU na walang pasok sa trabaho at klase sa Bohol; Davao City; Ormoc City, Leyte mula Kindergarten hanggang Grade 12, at Maasin City, Leyte, lahat ng antas.
Noong Linggo, Disyembre 17, ay agad na ipinag-utos ni Davao City Mayor Sebastian Z. Duterte na abisuhan ang mga magulang at estudyante na walang pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas, pribado at pampublikong paaralan.
Maging ang pasok sa government offices ay kanselado rin subalit ang mga frontliner at nasa public service gaya ng mga ospital at iba bang health care service, gayundin ang Municipal Disaster Risk Reduction Office ay may pasok.