Region

KLASE SA ILANG BAHAGI NG MINDANAO SUSPENDIDO DAHIL SA BAGYONG DANTE

/ 31 May 2021

Sinuspinde ang klase sa ilang bahagi ng Mindanao dahil sa pananalasa ng bagyong Dante.

Dahil pahinto-hinto ang suplay ng koryente ay nagdesisyon ang Department of Education-Davao Region na itigil muna ang blended learning sa rehiyon.

Bukod sa Davao de Oro, may mga paaralan din sa ilang bayan ng Caraga, Soccsksargen, Bukidnon, at Misamis Oriental ang nagkansela ng klase.

Kinansela rin ng mga lokal na pamahalaan ng mga bayan ng Monkayo at Compostela ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan dahil sa bagyo.

Noong Mayo 30 ay naitala na ang pagbaha sa bayan ng Malalag, Davao del Sur kung saan isang 71-anyos na lolo ang nasawi.

Hanggang kaninang alas-4 ng hapon,  ang sentro ng Tropical Storm Dante ay nasa 400 km East Hinatuan, Surigao del Sur na may lakas ng hangin na 75 km/h malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa 90 km/h na kumikilos pa-Hilagang Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Bagaman apektado rin ng bagyo ang Visayas ay wala pang nagdedeklara ng class suspension doon.