Region

KLASE SA ILAGAN, ISABELA, ILAN PANG LUGAR SA NORTE SUSPENDIDO

/ 28 March 2025

DAHIL sa tumitinding alinsangan ay paralisado ang ilang klase sa northern Luzon partikular sa Ilagan, Isabela, kahapon, Marso 27.

Ito ay upang agapan ang mapanganib na epekto ng sumisirit na heat index o damang init.

Alinsunod sa Executive Order No. 011 Series of 2025 mula sa Office of the Mayor, kanselado ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pampribadong paaralan dahil sa nakaambang mataas na heat index.

Una nang inabiso ng PAGASA na posibleng lumampas sa 40 degrees Celsius ang damang init habang noong Miyerkoles, Marso 26, naitala ang 46 degrees Celsius na heat index sa Dagupan City, Pangasinan.

Ang suspensiyon ng klase ay ipinabatid ng Office of the School Division Superintendent ng Department of Education – Isabela sa Office of the Provincial Governor of Isabela upang ipatupad ito sa lahat ng nasasakupang paaralan.

Samantala, una nang nag-abiso ang local governments ng Dagupan City, Urdaneta at Manaoag sa Pangasinan ng walang face-to-face classes mula primary o elementary hanggang secondary o highschool hanggang kahapon, Marso 27. NICE CELARIO