KLASE SA CAGAYAN SINUSPINDE DAHIL SA BAGSIK NI ‘GORING’
KANSELADO ang klase sa lahat ng antas sa Cagayan.
Ang class suspension ay iniutos ni Cagayan Governor Manuel Mamba batay sa rekomendasyon ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Council kasunod ng pananalasa ng Bagyong Goring.
Ang hakbang ay ginawa upang mailayo sa peligro at kapahamakan ang mga estudyante dahil sa patuloy na pananalasa ng bagyo at pagtaas ng baha.
Mananatili ang suspensiyon hanggang hindi ito binabawi ng tanggapan ng gobernador.
Batay sa ulat ng Cagayan Provincial Information Office, ilang mga lugar sa probinsya ang hindi madaanan dahil sa baha at landslide dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan.
Hindi madaanan ang kalsada mula Gunnacao Street, Cataggaman Nuevo hanggang Pinacanauan at Tuguegarao Avenue dahil sa baha.
Nasira naman ang Calapangan Bridge sa bayan ng Sto Nino , kaya hindi rin ito madaanan tulad ng box culvert sa San Manue4l-Sidiran Road dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.
Bukod sa mga hindi madaanang lugar o kalsada, marami ring kabahayan ang nasira at mga punong nabuwal dahil sa lakas ng hanging dulot ng bagyo.
Marami na ring residente ang inlikas dahil sa pangambang umapaw ang tubig sa mga ilog dahil sa lakas ng ulan.