Region

KLASE SA 32 LUGAR SA BICOL SUSPENDIDO DAHIL SA SHEAR LINE

/ 8 February 2025

SINUSPINDE ng local government units ang in-person classes nitong Pebrero 7 sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong mga paaralan sa ilang bayan at siyudad sa Bicol region dahil sa malalakas na mga pag-ulan dulot ng shear line.

Sa Albay, suspendido ang klase sa Tabaco City, Malilipot, Tiwi, Camalig, Pio Duran, Daraga, Malinao, Bacacay, Guinobatan, Sto. Domingo, Manito, Rapu-Rapu, Ligao City, Legazpi City, Polangui, Jovellar at Libon.

Sa Sorsogon naman ay sa Sorsogon City, Matnog, Castilla, Sta. Magdalena, Juban, Donsol, Magallanes, Pilar, Bulusan, Casiguran, Gubat at iIrosin.

Sinuspinde rin in ang mga klase sa mga bayan ng Pandan, Gigmoto, Baras, at Catanduanes National High School sa Virac.

Una nang nagpalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical And Astronomical Services Administration ng heavy rainfall warning sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Sorsogon, Albay, at Catanduanes.

Katamtaman hanggang sa minsan ay malakas na mga pag-ulan ang mararanasan sa Camarines sa loob ng dalawang hanggang tatlong oras, na maaaring makaapekto rin sa kalapit na mga lugar.

Ayon sa PAGASA, maaaring mas maraming mga pag-ulan ang maranasan sa matataas at mabundok na mga lugar.