KISAME NG ISKUL BUMAGSAK, 40 ESTUDYANTE SUGATAN
BUMAGSAK ang kisame ng isang paaralan sa Davao City at aabot sa 40 mag-aaral ang bahagyang nasugatan.
Ayon kay Principal Ruby Briones ng Lapu-Lapu Elementary School, nasa kasagsagan ng klase nang maganap ang insidente.
Agad na rumesponde ang mga guro at school officials upang mailikas ang mga bata at masuri ang kanilang kalagayan.
Sa kabutihang-palad, walang naiulat na malubhang pinsala.
Kahapon, October 9, ay balik-normal na ang klase sa nasabing paaralan matapos ang insidente.
Sinabi ng principal na normal na rin ang klase sa ibang palapag ng paaralan maliban sa pitong sections na gumagamit sa tatlong silid-aralan sa ikatlong palapag kung saan naroon ang bumagsak na kisame.
Dagdag pa ni Briones, nagpatupad na sila ng blended learning sa nasabing mga klase para hindi maantala ang kanilang pag-aaral.
Inihayag ng principal na mayroong nakalaang pondo para sa rehabilitasyon ng gusali.
Nangako rin, aniya, ang DPWH at contractor na mamadaliin nila ang pagsasaayos ng gusali para magamit na ito ng mga estudyante.