Region

KILOS-PROTESTA VS CAGAYAN STATE U PREXY IKINAKASA

/ 10 January 2021

IBINUNYAG ni Cagayan State University President Urdujah Alvarado na isang rally ang ikinakasa laban sa kanya ng isang opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan bilang protesta sa kanyang panunungkulan.

“Reliable word has reached me that a rally is being organized against me by a provincial official,” wika ni Alvarado sa Facebook.

Gayunman, sinabi ni Alvarado na hindi siya natatakot at buong tapang niyang haharapin ang ikinakasang rally sapagkat ang isyung inuukilkil ng naturang opisyal ay nasa kamay naman na ng korte.

“I shall be in office because I do not fear rallies. Besides since the matter is before the courts, my administration will await court judgment. I want to make clear that this rally is plotted, schemed, and contrived!”

“Agyaman ka koma apo ta tultulungan ka nga mangapapintas ti Cagayan. Do not be disturbed by my accomplishment as president. I am not competing with you,” dagdag pa niya.

Ilang araw na ang nakararaan ay sinibak niya sa puwesto ang dalawang CSU campus executive officers matapos na kagyat na bawiin ang pirma sa resolusyong sumusuporta sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ng pamantasan.

Sabi ni Alvarado kina CSU Piat Campus CEO Dr. Vicente Binasoy at CSU Lallo Campus Dr. Ricardo Casauay, “STOP TERRORIZING CAGAYANOS. YOU HAVE HURT US SO MUCH.”

“Please turn over your offices to the person I shall designate to replace you since you obviously cannot take orders from me any longer,” utos pa ni Alvarado.

Mababasa sa liham noong Enero 6 na ang pagbawi ng suporta kay Alvarado ay dala ng umano’y pagbabanta ni Governor Manuel Mamba na kakasuhan at ipakukulong ang dalawa kung hindi tatalikdan ang kampo ng CSU President.

“I [Alvarado] am glad that you admitted in your letters that the reason for the withdrawal of your letters was the fear that a case filed against you would jeopardize your retirement and other benefits.”

“In fact, you did call me [last] night informing me that the Governor [Mamba] had called you up threatening you with suit over your signatures,” sabi ni Alvarado sa dalawang campus execs.

Iniulat ng The POST noong Enero 7 ang resolusyong ipinaskil ni CSU Vice President Rev. Ranhilio Aquino hinggil sa pagkakaisa ng CEOs na tanging si incumbent and reappointed President Alvarado lamang ang kanilang kikilalaning pangulo at pinuno ng pamantasan.

Gayunpaman, kinabukasa’y binawi nga ito nina Binasoy at Casauay saka nagwikang pinapanigan na nila ang paninindigan ni dating Commission on Higher Education Region 2 Director Julieta Paras.

Magugunitang noong Disyembre 16 ay naglabas ng desisyon ang CHED En Banc na nagtatalaga kay Paras bilang bagong presidente ng CSU sa pagsasabing ang appointment ni Alvarado’y walang basehan.

Subalit  sa kabila ng dokumentong ito’y umalma si Alvarado na iginiit na tunay ang appointment sa kaniya ng Lupon ng mga Rehente mula 2020 hanggang 2024.

Dagdag pa niya, ang desisyon ng En Banc ay problematiko, hindi kinikilala, at pinoprotesta ng buong pamantasan.

Susog ni Aquino, naglabas na ng desisyon ang Aparri Trial Court at binigyan si Alvarado ng Writ of Preliminary Injunction. Ito ang desisyong pumipigil sa CHED “from acting, executing, and implementing orders in relation to the appointment of an OIC as caretaker of CSU and/or taking other measures meant to prevent President Alvarado from exercising her function as president of CSU from the term October 8, 2020 until October 7, 2024.”

Ang hakbang ng En Banc at ang pagpupumilit ni Paras na maupong pangulo ng pamantasan ay labag umano sa Republic Act 8292 na nagsasabing ang anumang pagtatalaga ay dapat na ratipikado ng BOR.

Buwelta naman ni Paras kina Alvarado at Aquino, “I have been designated by no other than the Commission En Banc, to be the OIC President of Cagayan State University. There is a legal basis for that. Alam naman natin lahat that since October 8, that the position of presidency in CSU is considered vacant because the term of the president expired October 7, 2020. So, she has no authority to occupy such a position.”

Kampo ni Paras ang naggigiit na ang Writ of Preliminary Injunction, na siyang natatanging panlaban ng kampo ni Alvarado, ay hindi maaaring gamitin dahil ito ay nakabimbin pa.

Sundan ang naunang scoop ng The POST sa https://thepost.net.ph/news/nation/sigalot-sa- cagayan-state-u-presidency-tuloy-pa-rin-campus-execs-sumuporta-kay-alvarado/.