KIDAPAWAN MAGTATAYO NG BAGONG RADIO STATION PARA SA MGA MAG-AARAL
PINAPLANTSA na ng pamunuan ni Kidapawan, Cotabato Mayor Joseph Evangelista ang planong pagtatayo ng bagong istasyon ng radyo na eksklusibo sa pag-eere ng mga programa ng Department of Education at ng mga espesyal na audio modules para sa mga mag-aaral ng Kidapawan ngayong pagbubukas ng bagong akademikong taon.
“This is one innovation that we would like to put up in Kidapawan to avoid physical contact in the distribution of modules,” sabi ni Evangelista.
Para sa kanya, mahalaga ang pagkakaroon ng mga edukasyonal na programa sa radyo para maabot ang mga mag-aaral maski hindi sila nakasasagap ng internet signal. Gayundin, makasasabay pa ang mga magulang sa pag-aaral sapagkat maaari nilang sabay na mapakinggan ang lahat ng mga araling ihahatid ng mga teacher-broadcaster.
Ang programang ito ay kasunod ng nauna nilang inisyatibang pamamahagi ng mga transistor radio sa mga mahihirap na pamilyang walang maayos na sagapan ng mga balita at mahahalagang impormasyong patungkol sa Covid19.
Tinitingnan ng pamahalaan na gamitin ang Special Education Fund para maisakatuparan ito. Ayon sa alkalde, P16 milyon ang kukunin sa SEF na masinsing ipinaliwanag sa isinumiteng proposal sa panlalawigang pamahalaan.
Nang tanungin kung may saysay pa rin ang radyo sakaling bumalik na sa face-to-face classes, dagling sagot ni Evangelista na ang plano’y dito pararaanin ang lahat ng emergency, disaster, at emergency announcement, concerns, at monitoring ng mga programa.