Region

KAUNA-UNAHANG MANOBO TEACHER NAGBIGAY INSPIRASYON SA KANYANG MGA KABABAYAN

/ 25 October 2021

BAGAMAN nakaranas ng pangungutya ng kanyang mga kamag-aral dahil sa kanyang edad, nagpursige si Teacher Julito Dewil na ipursige ang pangarap, hindi lamang para sa kanya kundi para sa kanyang pamilya.

Si Teacher Julito ang kauna-unahang katutubong Manobo teacher mula sa Sitio Lanao Kapanglao. Dahil sa kanya, unti-unti nang nag-iba ang pananaw sa edukasyon ng karamihan ng tao sa paligid ng Segafu Esgapo Integrated School sa Glan, Sarangani.

Natapos ni Teacher Julito ang kolehiyo at nakapasa sa Licensure Examination for Teachers. Dala ang kanyang diploma at bagong karunungan, pinili niyang bumalik sa kanyang komunidad upang magsilbi at makatulong sa kanyang mga katribo.

“‘Yung mga kapitbahay ko na illiterate, kailangan talaga na ma-assist ko sila para matuto silang bumasa. ‘Yung magulang ko noon, sila ang nagtiyaga at nagkayod para mapag-aral ako. Ngayon gusto kong ibalik sa kanila lahat ng paghihirap nila,” sabi niya.

Tinitipon niya ang kanyang mga kapitbahay at kapwa katutubo, kasama na ang kanyang ina at ama, tuwing Sabado at Linggo upang magturo ng pagbabasa at pagsusulat.

“Mga kabataan, ang edukasyon ang magiging tulay, susi ng inyong pangarap,” ang payo niya sa mga kabataan sa kanilang lugar kung saan laganap ang maagang pag-aasawa.