KASO NG PAGKAMATAY NG PMMA CADET SARADO NA
SARADO na ang kaso ng pagkasawi ng isang kadete ng Philippine Merchant Marine Academy sa San Narciso, Zambales kasunod ng pagkakaaresto kay Cdt 2nd Class Jomel Gloria na umamin na dalawang beses niyang dinibdiban ang biktima.
Ayon kay PCol. Romano Cardino, provincial director ng Zambales Police, inamin ni Gloria na dalawang beses niyang kinaldag ang biktimang si Cadet 3rd Class Jonash Bondoc, 19-anyos, bilang recognition o farewell punch dahil sila ay magkababayan at magkakahiwalay na dahil uuwi sila pareho sa Butuan.
Sinabi niya na binigyan sila ng kalayaang makauwi sa Mindanao at bilang “lambing” ay kinaldag niya si Bondoc saksi ang isa pang kababayan sa palikuran ng barracks noong umaga ng Hulyo 6.
Ang “lambing” ay tradisyon ng mga estudyante sa PMMA para sa mahigpit na brotherhood at dahil magkakahiwalay sila nang matagal.
Makaraan ang dalawang beses na kaldag ay hinimatay si Bondoc at nang isugod ito sa ospital ay dead on arrival na.
Batay sa ulat ng mga doktor, ang ikinasawi ni Bondoc ay head injury.
Ang isa namang kinaldag ni Gloria na saksi sa pangyayari ay wala namang nangyari habang sa findings sa ospital ay nakitaan ng bukol sa ulo si Bondoc.
Si Gloria ay inalls na sa pagiging kadete sa PMMA at nahaharap sa kasong homicide habang iginiit na wala siyang intensiyon na patayin ang kababayan.
Dumating na rin ang kaanak ni Bondoc at kinuha ang abo ng biktima na agad na-cremate dahil positibo rin ito sa Covid19.