Region

KASO LABAN SA GURONG NANAMPAL NG ESTUDYANTE INIHAHANDA NA

/ 3 October 2023

NAHAHARAP sa kasong homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang isang guro ng Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City na nanampal umano ng kanyang Grade 5 na estudyante na nagresulta sa pagkamatay nito.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pananampal sa 14-anyos na si Francis Jay Gumikib noong September 20 sa loob ng eskwelahan.

Ayon kay P/Executive Msgt. Divina Rafael, chief ng Women’s and Children’s Section Desk ng Antipolo City Police Station, nagawa ng guro na sampalin si Gumikib dahil maingay at magulo ang mga estudyante.

Dagdag ni Rafael, hinawakan ng guro sa buhok ang biktima at saka ito sinampal sa may bahagi ng tainga.

Lumalabas sa imbestigasyon na inabot pa ng ilang araw makalipas ang pananampal bago nadala sa ospital ang biktima dahil sa pananakit ng tainga, ulo at mata.

Pero sa kasawiang-palad, pasado alas-10 ng umaga kahapon ay binawian ng buhay ang biktima dahil sa pamumuo ng dugo sa kanyang ulo.

Sinabi naman ng Department of Education na nagsasagawa na rin sila ng imbetasyon ukol sa nangyaring pananampal ng nasabing guro.

“Nakausap po natin ang SDS [Schools Division Supertindent] concerned. They are already looking into the matter and is waiting for a report from the Principal re the incident. The SDS will also be personally going to the subject school tomorrow to make further inquiries,” sabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa.

“We will share statements or other details that may be reported by the SDO [Schools Division Office] or the school as soon they are made available,” dagdag pa ng DepEd official.