“KAPITBAHAY KO, SAGOT KO”
INILUNSAD ng Lanton Elementary School sa General Santos City ang peer teaching program na naglalayong matulungan ang mga estudyanteng nahihirapan sa mga aralin.
Sinimulan ng LES ang programang “Kapitbahay ko, Sagot ko” at “Ka-Math bahay ko, Ka-Math turuan ko” kung saan tinutulungan ang mga mag-aaral sa kanilang mga komplikadong aralin gamit ang mga ipinamigay na Self-Learning Modules.
Naglalaan ng isang araw ang LES Math Club bawat linggo upang maisagawa ang teaching program. Kasama ng mga mag-aaral ang kanilang mga magulang sa mga gawaing ito na suportado rin ng mga opisyal sa purok.
Tinitiyak ng programa na sinusunod ang mga pangkaligtasan at pangkalusugang alituntunin ng Inter-Agency Task Force.
Ayon kay LES Math Club President Lucy Samillano, masaya silang nakatutulong sa mga kapwa nila estudyante na hirap sa modules.
“Sa aming pagtulong masasabi kong marami pang mga kapwa namin mag-aaral na hirap sa pagbasa at pagsulat kaya masaya akong mayroon akong natulungan sa pagbabahagi ko ng aking kakayahan sa kanila. Nakita kong pursigido silang mag aral kahit sa gitna ng pandemya,” pahayag niya.