KAHIT MAY KAPANSANAN AY ‘DI NAPAG-IIWANAN
HINDI naging hadlang kay Jonna Banzon, isang mag-aaral ng Special Education mula sa Inzo Arnaldo Village Integrated School ng Division ng Roxas City, Region Vl, ang pagkakaroon ng kapansanan sa paningin para tumulong sa pagsugpo sa climate change.
Naniniwala si Banzon na kahit sino man, may kapansanan o wala, ay makapagbabahagi ng kani-kanilang parte para masolusyunan ang problemang pangkapaligiran na kinahaharap ng buong mundo sa kasalukuyan.
Sa kanyang mensahe sa katatapos na DepEd 4th National Climate Change Conference, nanatiling matatag si Banzon sa kanyang papel sa pagpapagaan ng climate change. Ang kanyang hindi natitinag na pangangalaga sa kalikasan at pag-aalala para sa katulad niyang may kapansanan ay ang kanyang mga dahilan para palakasin ang kanilang panawagan upang isalba ang mundo, lalo na ang mga taong katulad nila ay kabilang sa mga pinakamahina pagdating sa climate crisis.
“Walang maliit o malaking kakayahan ang isang tao kung ang pinag-uusapan ay ang paksang climate change. Lahat tayo nararamdaman ito, may kapansanan ka man o wala. Hindi lang ako uupo at maghihintay ng tulong dahil walang kapansanan ang maaring makapigil sa akin o sa aking mga kasama,” sabi ni Banzon.
Pinatunayan ni Banzon na walang makapipigil sa kanya sa pagtupad sa kanyang responsabilidad sa planetang ito habang isinasalaysay niya kung papaano nila napakinabangan ang mga basura ng ibang tao at ginamit bilang school materials.
Kanya ring ibinahagi na kahit ang simpleng partisipasyon sa mga maliliit na proyekto at aktibidades sa kanilang paaralan para sa environmental protection at disaster preparedness kagaya ng awareness campaigns at symposium ay malaking tulong na rin sa komunidad.
Sinabi ni Banzon na ang pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran at paggamit ng mga washable eating utensils ay sapat nang kontribusyon sa kalikasan dahil ito’y makatutulong na mabawasan ang carbon footprint na nagdudulot ng polusyon.
Bilang bahagi ng kanyang mga inisyatibo na masugpo ang climate change, sinabi ni Banzon na kahit sa sariling tahanan at mga kapitbahay ay inaaplay niya ang mga natutunan niya mula sa mga environmental activity na isinagawa sa kanilang paaralan. Kanyang binigyan-diin na ang ganitong gawain ay isang pagsubok sa kanilang disiplina na napakahalagang itanim sa sistema ng bawat isa.
“Ang disiplina ay hindi lamang dapat mangyari sa isang kalinangan. Dapat itong nasa isip at puso natin. Nagiging parte na natin sa ating buhay dahil sa ganitong paraan, naniniwala ako na hindi malayo at masosolusyunan natin ang problemang kinakaharap natin sa kapaligiran,” dagdag ni Banzon.