Region

ILANG PAARALAN SA BICOL REGION NAGSUSPINDE NG KLASE DAHIL SA SHEAR LINE

/ 10 December 2024

NAGSUSPINDE ng klase ang ilang paaralan sa Bicol region dahil sa malakas na ulang dulot ng shear line.

Kabilang sa mga lalawigan na nakaranas ng shear line ang Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate.

Sa Albay, nakapasok na ang mga estudyante sa paaralan ng Polangui, Malilipot, Sto Domingo, Pio Duran, Daraga, Camalig, Bacacay at Legazpi City nang ianunsiyo ang suspensiyon ng klase.

Kaya naman pinauwi na lamang ang mga estudyante at binilinan na duimiretso sa bahay para sa kanilang kaligtasan.

Maaga namang nagsuspinde ng klase ang Camarines Norte dahil Linggo ng gabi ay malakas na ang ulan.

Ayon kay Camarines Norte Governor Dong Padilla, mataas na ang baha sa ilang paaralan sa kanilang lalawigan.

Nauna nang inanunsiyo ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) na tatlong weather systems ang magdadala ng ulan sa iba’t ibang panig ng bansa kahapon, December 9.

Ayon sa PAGASA, shear line ay makaaapekto sa eastern section ng Central at Southern Luzon. Magdadala ito ng kalat-kalat na pag-ulan at thunder storms sa Bcol region, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Batangas, Laguna, Rizal , Quezon at Aurora.

Makararanas din ng parehong panahon ang Visayas, Mindanao at Palawan dahil sa inter-tropical convergence zone (ITCZ).

Hanging amihan naman ang mararanasan sa Northern Luzon na magdadala din ng ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.