ILANG LUMAD SCHOOLS HINDI DUMAAN SA PROSESO NG NCIP — INDIGENOUS PEOPLES
LIMANG isyu ang inireklamo ng mga lider at nakatatanda sa katribuhan sa Mindanao laban sa Bakwit Schools na naging sentro ng operasyon ng Philippine National Police sa Cebu City.
Sa liham na natanggap ng PNP mula sa Mindanao Indigenous Peoples Council of Elders and Leaders at sa Mindanao Indigenous Peoples Youth Organization, kinilala nila ang naging hakbang ng PNP laban sa nasabing paaralan.
Binigyang-din nila ang mga dahilan kung bakit dapat isara ang ilang Salagpungan Schools o mga paaralan para sa indigeneous people at inilatag ng MIPCEL at MIPYO ang limang isyu laban sa kinukuwestiyong paaralan.
Una, ilan sa paaralan ay hindi umano dumaan sa proseso ng “Free and Prior Informed Consent” mula sa mga pamayanan ng mga katutubo kung saan sila itinayo na dapat maproseso sa National Commission on Indigenous Peoples alinsunod sa batas.
Ikalawa, ilan sa mga paaralan ay hindi pumasa sa regulasyon ng Department of Education, ikatlo, halos lahat ng paaralan na ito ay nagtataguyod ng “boarding school system” kung saan inihiwalay ang mga mag-aaral sa kanilang pamilya at nawalan ng patnubay ng mga magulang ang mga bata.
Pang-apat, dinadala ng mga paaralang ito ang mga mag-aaral sa mga rally, kampuhan at Lakbayan na naging dahilan ng pagtatanim ng galit.
At panlima, kumukuha ang mga ito ng tulong at pondo mula sa ibang bansa na hindi maliwanag kung magkano at ano ang pinaggastusan.
Kaya nanawagan ang dalawang grupo na huwag palinlang sa ulat na nilusob at dinukot ang mga learner ng pulisya, sa halip, anila, ay dapat pasalamatan ang PNP sa pagbawi sa naturang paaralan at pagsalba sa 19 minor learners.