IKA-101 SCHOOL NG SM FOUNDATION ITINAYO SA CAVITE
PATULOY ang pagtulong ng SM Foundation Inc. sa sektor ng edukasyon kahit na mataas ang panganib na dulot ng Covid19.
Bukod sa pagbibigay ng mga materyales pampagkatuto at suporta sa online classes ay naiturn over na rin ng SM ang katatapos lamang na gusaling may apat na klasrum sa Punta Elementary School sa Tanza, Cavite.
Malaki ang pasasalamat ni PES Principal Dr. Gloria Casiano sa SM sapagkat noong bago magpandemya, dahil sa kakulangan ng klasrum, daang mga mag-aaral nila ay nagkaklase sa kalapit na covered court.
“We are overwhelmed and thankful to SM Foundation and SM Prime for continuing with the project despite the Covid-19 pandemic. This school building will serve as a haven in nurturing the young minds of our Puntaceño learners,” sabi ni Casiano.
Para mas maging inklusibo, ang gusali ay ginawa ring PWD-friendly. Mayroon pa itong library hub, guidance and counselling room, at klinika.
Dinagdagan din ng 10 handwashing area ang PES bilang paghahanda ng paaralan sakaling bumalik na sa face-to-face classes sa susunod na taon. Para naman makalanghap ng sariwang hangin ay naglagay rin ng puno at isinaayos din ng SM ang hardin nito.
Ito na ang ika-101 gusaling pampag-aaral na naitayo ng SM sa buong Filipinas at bilang aktibong katipan ng Department of Education sa Adopt-A-School Program ay inaasahang mas maraming gusali ang maibibigay nila sa mga Filipinong mag-aaral.
Inanunsiyo ng SM na patapos na rin ang mga gusaling ipinatatayo nila para sa Basud Elementary School sa Sorsogon at Banisil Elementary School sa General Santos.