Region

HUWAG PILITIN ANG ANAK KUNG AYAW SAGUTAN ANG MODULES — DEPED 

/ 5 November 2020

PINAKIUSAPAN ng Department of Education – Schools Division Office ng Cabanatuan sa Nueva Ecija ang mga magulang na huwag pilitin ang kanilang mga anak kung ayaw ng mga ito na sagutan ang mga module na natatanggap mula sa paaralan.

Ayon kay DepEd Cabanatuan Supervisor Wilfredo Sison, ang mga module, kaya tinawag na self-learning, ay para ‘independently’ sagutan ng mga mag-aaral. Dito titimbangin ng mga guro kung sila natututo nang mag-isa at kung nasasagutan nila ito nang maayos, sang-ayon sa inaasahan.

Dahil dito, sinabi ni Sison na hindi dapat sila pinipilit na sumagot ng mga pagsusulit, aktibidad, at iba pang gawaing makikita sa mga pahina.

Dagdag pa niya,  ang mga magulang ay gabay sa pag-aaral at maling ipilit nila sa bata ang hindi nito kaya at mas lalong mali kung sila mismo ang sasagot ng mga leksiyon sa klase.

Sakali namang humingi ng tulong ang bata at hindi alam ng magulang ang sagot, hinihikayat ni Sison na makipag-ugnayan ang mga magulang sa guro para sila mismo ang magpaliwanag dito.

Nilinaw pa niya na hindi minamarkahan ang module sa tuwing ito’y ibabalik sa paaralan. Hindi rin umano dapat tama lahat ng sagot ng bata sapagkat ang pinakamahalaga’y ang nakintal na aral sa kanilang mga murang isipan.

Sa output din mula sa bawat module titingnan kung aling mga bahagi ng kurikulum ang nararapat na bigyan ng kaukulang atensiyon at aksiyon sa paghahatid ng kaalaman sa panahon ng pandemya kung kaya maaaring maiba ang analisis dito kung hindi bata ang tumutugon sa mga kahingian ng guro sa bawat asignatura.