Region

HONORARIUM NG ANTIPOLO TEACHERS IPINALABAS NA

/ 8 March 2021

IPINALABAS na ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City ang honorarium ng mga public school teacher sa lungsod.

“Sa atin pong mga public school teachers ng Antipolo (assigned in or stationed in the city prior to the start of school yeat 2017-2018), available na po ngayong araw, Friday, March 5, 2021, ang teachers’ honorarium para sa tatlong buwan ng 4th quarter ng 2020 mula sa pamahalaang lungsod,” sabi ni Antipolo Mayor Andrea Ynares sa kanyang post sa social media.

Ipinaliwanag ng alkalde na bahagyang naantala ang pamamahagi ng nasabing honorarium dahil sa pandemya.

“Medyo late. Alam naman natin ang pinagdaraanang pandemya kung saan maraming kailangang pagtuunan ng pansin tulad ng ayuda, mga kagamitan sa ospital, kagamitan sa paaralan tulad ng laptops at tablets, karagdagang mga medical frontliners, pagbili ng bakuna, atbp,” ayon sa alklade.

“Marami man tayong gastusin ngayong pandemya, minarapat pa rin ng konseho na i-waive ang ilang bayarin tulad ng business tax ng mga establishment na may below P200,000 gross receipts, annual territorial fees ng mga nasa public transport sector, annual renewal ng tricycle franchise, atbp, na nangangahulugan na hindi pumasok at papasok sa pamahalaan ang inaasahang income simula noong 2020 at muli, ngayong 2021,” dagdag pa niya.

Ganoon pa man, sinabi ni Ynares na nakuhang maglaan ng konseho ng P68 million para maibigay ang halagang P18,000 sa buong taon (P1,500/month) kada guro para sa halos 4,000 public school teachers ng lungsod.

“Sana po ay makatulong ang halagang nabanggit sa inyong mga pangangailangan sa pagtuturo lalo ngayong new normal learning na tayo,” sabi pa ni Ynares.