Region

HINDI KINAYA ANG PAGSAGOT NG MODYUL? GRADE 8 NAGBIGTI

ISANG 15-anyos na mag-aaral sa Grade 8 ang natagpuan ng kanyang kapatid na wala nang buhay matapos pinaniniwalaang nagbigti sa loob ng kanyang kwarto sa bayan ng Malita sa lalawigan ng Davao Occidental.

/ 20 October 2020

ISANG 15-anyos na mag-aaral sa Grade 8 ang natagpuan ng kanyang kapatid na wala nang buhay matapos pinaniniwalaang nagbigti sa loob ng kanyang kwarto sa bayan ng Malita sa lalawigan ng Davao Occidental.

Alas-otso ng umaga noong Linggo, Oktubre 18, nang makitang wala nang buhay ang biktima na kinilala ng pulisya na si Ivan (apelyido itinago para sa pamilya).

Ayon kay Patrolman James Libertad, imbestigador ng Malita Municipal Police Station, mismong ang kapatid ng biktima na kinilalang si Jerry ang nakadiskubre na nakatali ng nylon rope ang leeg ng biktima habang nakabitay sa kisame sa loob ng kanyang kwarto.

Sinabi rin ng pulisya na natagpuan ng imbestigado malapit sa wala nang buhay na si Ivan ang ilang kopya ng mga modyul na ipinamahagi ng paaralang kanyang pinapasukan.

Lumilitaw din sa imbestigasyon na bago nangyari ang trahedya ay ipinag-utos pa umano kay Ivan ng kanyang magulang na tatapusin na ang pagsagot sa kanyang mga modyul.

“Maaring hindi kinaya ng mag-aaral ang pagsagot sa kanyang modules kaya nangyari ang trahedya dahil sa walang makitang ibang rason ang magulang para gawin ng bata ang pagpapakamatay,” haka-haka ng mga kapitbahay na ipinarating sa pulisya.

Tikom naman ang bibig ng mga magulang tungkol sa nangyari sa kanilang anak at tumanggi rin ang mga itong ma-awtopsiya ang bangkay.

Sa pahayag ng local na kapulisan ay wala umanong nakitang ‘foul play’ ang kanilang imbestigador.

Sa ngayon, ay wala pang ipinalabas na pahayag ang Department of Education matapos mangyari ang ilang insidente ng pagpapakamatay ng ilang mag-aaral sa iba’t-ibang sulok ng bansa dahil sa ipinapatupad na self-learning modules ng mga paaralan upang makaiwas sa Covid19 infection.