GRADUATE STUDIES SCHOLARSHIP SA NEGROS OCC PROVINCIAL GOV’T EMPLOYEES
PARA kay Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, ang pag-aaral ng mga kawani ng gobyerno ay hindi dapat nahihinto at dapat na palagiang pinayayabong.
Mula rito ay pormal nang binuksan ng panlalawigang pamahalaan ang 200 slots para sa Graduate Studies Scholarship Program upang maghatid ng libreng edukasyon sa mga empleyado ng pamahalaan, panlalawigan man, panlungsod, o pambayan, sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Lacson, dapat na isaalang-alang ang pangangailangan ng mga empleyado na patuloy na mag-upskill at mag-reskill, lalo ngayong mabigat ang gawain dahil sa Covid19.
Marami naman aniyang nagnanais na mag-aral at magsanay, kalakhan nga lamang ay walang kakayahang magbayad ng matrikula.
Ito ang dahilan kung bakit naglaan ng pondo si Lacson upang mabigyang-pagkakataon ang sinumang kawaning nais mag-enroll ngayon at sa mga susunod pang taon.
Nitong Miyerkoles, Oktubre 14, pormal nang nilagdaan ang memorandum of agreement sa pagitan ng Negros Occidental Provincial Government at ng Carlos Hilado Memorial State College sa lungsod ng Talisay upang maplano na ang programang swak para sa mga magiging iskolar.
Saklaw ng iskolarsyip ang pag-aaral ng 200 kuwalipiladong empleyado ng kapitolyo at ng iba pang kasanggang opisina ng pamahalaan.
Master’s in Public Administration at Doctor in Public Administration programs ang maaari nilang kunin simula sa ikalawang semestre ng akademikong taong 2020-2021.
Pahayag ni Karen Dinsay, ang scholarship program division head ng Negros Occidental, sinumang security and law enforcement personnel, kasama ng mga regular at temporary employees ng gobyerno, ay maaaring magpasa ng aplikasyon upang magkaroon ng libreng edukasyon.
Ang inisyatiba ay ikinatuwa rin ng CHMSC. Mensahe ni University President Norberto Mangulabnan, “CHMSC is truly grateful for this opportunity to be of service to our fellow Negrenses. Continuing and advancing education is something that is innate in the development and nurturance of our people…Even during these most trying times of Covid-19 pandemic, education must be provided and sustained, lest we succumb to stagnation and possible loss of human capital.”