Region

GRADE 6 PUPIL AKSIDENTENG NABARIL ANG SARILI, PATAY

/ 27 January 2023

MAKARAAN ang halos pitong oras na tangkang pagsalba, namatay rin ang isang Grade 6 pupil na lalaki nang aksidenteng mabaril ang sarili sa loob ng paaralan sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Sa inisyal na ulat mula sa San Jose del Monte Police sa Police Regional Office 3, naganap ang insidente alas-5:40 ng umaga, Enero 26, sa comfort room ng Benito Nieto Elementary School sa Barangay Muzon.

Batay sa Criminal Investigation and Detection Unit ng PRO3, ipinuslit ng biktimang si alyas Ady, 12-anyos, nakatira sa North Fairway Homes, Brgy. Muzon, ang baril na P. Beretta, na service firearm ng kanyang amang pulis saka dinala sa pinapasukang paaralan.

Dahil maaga pa, naglaro umano ang bata sa loob ng palikuran subalit aksidenteng nakalabit ang trigger ng baril at tumama ang bala sa kanyang baba at naglagos sa kanyang ilong.

Agad isinugod ng mga guro ang bata sa Kairos Hospital subalit inilipat din sa Skyline Hospital.

Alas-12 ng tanghali ay stable na sana ang lagay ng bata subalit nang isailalim ito sa CT scan ay nakita ang shrapnel sa utak nito at ala-1 ng hapon ay pumanaw rin, ayon kay Lt. Col. Rolando Lumactod, hepe ng San Jose Del Monte Police.

Nabatid na kaya dinala ng bata ang baril ay dahil sa curiousity sa larong Mobile Legend at totoong baril.

Napag-alaman na sa Camp Crame naka-assign ang ama ng biktima na may ranggong Police Executive Master Sergeant.