‘GOODBYE BULATE’ PROGRAM PARA SA MGA BATANG MAG-AARAL NG ZAMBO SIBUGAY
ISINUSULONG ng Zamboanga Sibugay Integrated Health Office, sa pamamagitan ng Health Education and Promotions Office, ang libreng deworming para sa mga batang mag-aaral ng lalawigan.
Ayon kay Health Education and Promotions Officer Myra Anne Pandaan, ang ‘Goodbye Bulate’ deworming program ay para sa mga batang may suliranin sa digestive system.
Gayundin, pangontra ito sa mga sakit gaya ng labis na kapayatan, malnutrisyon, kapandakan, mababaw na IQ, at kawalang-gana sa pagkain.
Labing-anim na munisipalidad ang isa-isang bibisitahin ng Regional Health officers upang masigurong lahat ng bata’y makatatanggap ng deworming tablets. Sa monitoring nama’y hati ang barangay at health centers.
Nakikiiusap din sila sa Department of Education na kung maaari’y makumusta ng class advisers ang mga mag-aaral kung nakatapos na sa deworming.
“There are RHUs also who asked help from DepEd, but i-monitor din ng barangay ang pagbibigay ng tablets,” sabi ni Pandaan.
Para naman mapabilis ang gawain ay gagamitin ang mga bakanteng klasrum, pandagdag sa limitadong bilang ng health centers sa Zamboanga Sibugay.
Maaari ring lumahok sa Goodbye Bulate ang mga matatanda. Ayon kay Pandaan, mula 1 hanggang 65 taong gulang ang bibigyan ng mga tableta para sa Soil-Transmitted Helminthiasis at Schistosomiasis.