goIT EDUCATION PROGRAM INILUNSAD SA CAR
INILUNSAD ng Tata Consultancy Services ang goIT Education Program sa Filipinas sa layong mahikayat ang mga mag-aaral na kumuha at magpakahusay sa larangan ng computer science, engineering, at technology.
Layon ng goIT na palakasin ang Science, Technology, Engineering, at Mathematics education sa bansa upang ang mga Filipino ay maging pinakamahuhusay sa mga platapormang kinakailangan ng buong mundo tungo sa mabilis na pag-unlad ng industriya.
Kasama sa programa ang design thinking, digital technologies, at iba’t ibang metodong pampagpapaunlad ng prototype solutions sa bahagi ng komunikasyon at elektroniks.
Katuwang ng Tata ang Department of Education – Cordillera Administrative Region sa goIT.
Dalawampung paaralan mula sa Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Mountain Province, at Kalinga ang sasabak sa pilot run ng naturang workshop at training.
Ang bawat tagpo’y dinisenyo na matapos sa loob ng tatlong araw, laan sa mga mag-aaral na nasa Grade 9 at 10.
“True to our vision of promoting quality education for every Filipino, TCS’ goIT program facilitates the learning of much-needed technological skills of our Cordilleran learners and hopefully encourages them to pursue STEM,” pahayag ni DepEd CAR Director May Eclar.
“It is our hope that we empower Filipino students to become future technology leaders who will contribute in transforming businesses and communities,” sabi naman ni TCS Philippines HR Head Arijit Roy.
Sa training ay tuturuan ang mga bata ng mga batayang kasanayan sa science and technology, kasama ang mga solusyong makatutugon sa mga suliranin ng CAR gaya ng waste management, disaster control and response, environment preservation, at iba pa.
Anim na mahuhusay na instruktor mula sa TCS ang birtuwal na magtuturo sa mga kalahok na nagmula sa Cordillera Regional Science High School – Benguet. Hanggang Mayo 2021 inaasahang tatagal ang sunod-sunod na sanayan ng natitira pang 19 na paaralan.