GENSAN LGU NAMAHAGI NG BIGAS SA MGA GURO
NAKATANGGAP ng tig-25 kilo ng bigas ang lahat ng guro at iba pang kawani ng Department of Education sa General Santos City mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay City Mayor Ronnel Rivera, bawat isa sa may 6,000 guro at kawani ng Schools Division Office GenSan ay may isang sako ng 25 kilo ng bigas bilang pamasko ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Rivera na nagsimula ang pamimigay noong ika-30 ng Disyembre at natapos noong ika-31 ng Disyembre ng nakaraang taon na isinagawa sa General Santos City Gym sa Barangay Langao.
Samantala, tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na maayos at nasunod ang health and safety protocols sa distribusyon ng bigas na itinakda ng Department of Health at Inter-Agency Task Force.
“Kailanman ay hindi matatawaran ang dedikasyon sa pagtuturo ng mga guro sa kabila ng pandemya at mga pagsubok na pinagdaanan natin ngayon. Ang mumunting tulong na ito mula sa LGU GenSan ay isa lamang sa mga bagay na nagpapatunay na kasangga ng Kagawaran ng Edukasyon ang lokal na pamahalaan sa anumang hamon ng panahon,” mensahe ni Rivera sa mga guro at iba pang kawani ng kagawaran.
“Nawa’y ipagpatuloy ninyo ang inyong buong-pusong paglilingkod at pangunguna para sa ikauunlad ng ating lungsod,” dagdag pa ng alkalde.